Nakolekta ng cleanup team na ipinadala sa Mt Everest ang aabot sa tatlong toneladang basura sa loob lang ng dalawang linggo.
Ito ang inunsyo ng Nepal government matapos umarangkada ang malawakang paglilinis sa tinagurian na ngayong world’s highest rubbish dump.
Kabilang sa mga nakuhang basura ay empty gas canisters, discarded climbing equipment, Fluorescent tents at maging dumi ng tao.
Nagpadala ang Nepal ng 14-member team sa Mount Everest para linisin ang bundok sa loob ng isa’t kalahating buwan.
Isang army helicopter naman ang kumuha sa 75 porsyento ng mga basurang nakolekta at inilipat ito sa Kathmandu para i-recycle.
Noong Pebrero ay gumawa na rin ang China ng paraan para pigilan ang paglala ng polusyon sa bundok sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ban sa non-climbers na tumungo sa base camp sa Tibet.
Ang ilang dekadang mountaineering ang dahilan ng polusyon sa bundok dahil sa patuloy na pagdami ng mga umaakyat dito.
Umabot na sa 4,000 katao ang sumubok na akyatin ang Everest at noong nakaraang taon ay pumalo na sa 807 ang nakaabot sa summit nito.