Pinagbigyan ng Korte Suprema ang apela ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na payagan ang 15 mahistrado na talakayin ang petisyon sa kasong kriminal laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng pagkamatay ng 44 na miyemnbro ng PNP Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.
“The Court (sitting in full court) resolved to accept this case which was referred to it by the first division in the latter’s resolution dated February 20, 2019,” nakasaad sa resolusyon.
Malugod namang tinanggap ng abogado ng mga pamilya ng SAF 44 na si Atty. Ferdinand Topacio ang desisyon ng Supreme Court.
“We thank the Honorable Supreme Court for accepting our appeal for (full court) hearing and resolution of this case. Slowly but surely, justice will be done for the SAF 44,” ani Topacio.
Nagpasaklolo sa SC ang mga kaanak ng mga pulis na nasawi sa operasyon laban sa teroristang si alyas Marwan.
Ito ay matapos sampahan ng Ombudsman sa Sandiganbayan sina Aquino, dating PNP chief Alan Purisima at dating PNP-SAF director Getulio Napeñas pero kasong graft and usurpation lamang imbes na homicide.
Ayon kay Topacio, nagtataka ang pamilya ng SAF 44 kung paano at bakit downgraded ang mga kaso laban kay Aquino.
Bagamat anya sa maraming pagkakaton ay pinagtitibay ng Korte Suprema ang findings ng Ombudsman, umaasa ang mga naulila ng SAF commandos na makita ng mga mahistrado ang mga pagkakamali ng kaso.
Noong nakaraang taon ay naglabas ang SC ng restraining order laban sa Sandiganbayan sa pagpapatuloy ng kaso.