Simula Enero ng taong 2016, ire-reshuffle na ang mga hepe ng pulis na tumagal na ng mahigit sa dalawang taon sa kanilang puwesto.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Director General Ricardo Marquez, gagawin nila ito bago pa man dumating ang panahon ng eleksyon upang hindi maimpluwensyahan ng mga pulitikong kakandidato ang mga pulisya sa kani-kanilang mga lugar.
Paliwanag rin ni PNP spokesperson Chief Supt. Wilben Mayor, ang rotation ng mga commanders ay bahagi ng kanilang mga planong pang-seguridad para sa darating na halalan at para na rin ipakita sa lahat na wala silang pinapanigan.
Ani Marquez, aalisin nila at ililipat ang mga pulis na ito upang hindi nila maimpluwensyahan ang mga operasyon ng PNP sa eleksyon.
Para naman aniya sa mga may kamag-anak na pulitiko na hanggang 4th degree ng pagiging magkadugo, ay ililipat agad kahit pa wala pang dalawang taong nanunungkulan sa kanilang lugar.
Gayundin sa mga nagpapakita ng anumang pagsuporta, pagpanig o pagkampi sa mga pulitiko.
Lahat ng police units sa Metro Manila at mga rehiyon ay sasailalim sa nasabing rotation o reshuffling.
Kasalukuyan nang isinasagawa ng Directorate for Intelligence (DI) ang master list ng mga officers na ililipat ng lugar.