Isa pang suspek sa ‘hold-up me’, sumuko sa mga pulis

 

Sumuko na sa mga pulis ang pangalawang suspek sa insidente ng “holdup me” na naganap Lunes sa La Salle Green Hills (LSGH).

Kusang pumunta si Billy Bantol, isang construction worker, kay Eastern Police District (EPD) Director Chief Supt. Elmer Jamias sa EPD headquarters.

Nangyari ito isang araw lamang matapos sumuko naman ang pangunahing suspek na si Annalyn Perez na tiyahin ng biktimang Grade 8 student ng LSGH at inaming siya ang may pakana ng eksena ng robbery-extortion na ginawa ni Bantol.

Matatandaang noong Lunes, sinalakay ni Bantol ang sasakyan na minamaneho ni Perez sa mismong paaralan para sunduin ang kaniyang pamangkin.

Sa una, P100,000 ang hiningi ni Bantol sa ama ng bata upang palayain sila, pero nakipagkasundo na rin sa halagang P40,000.

Ayon kay EPD assistant spokesperson PO2 Catherine Capinpin, bagaman inamin ni Bantol ang kaniyang pagkakasangkot, itinuro naman niya si Perez bilang mastermind.

Ani Jamias, sinabi pa ni Bantol na kaya lamang siya pumayag sa pakana ni Perez ay dahil nanganganib ang kaniyang buhay.

Nang sumuko siya sa mga pulis, inamin rin ni Perez na ginawa niya ito para makahuthot ng P40,000 sa pamilya ng kaniyang pamangkin, at lumabas pa sa imbestigasyon na nabaon na siya sa utang at desperado na talagang makakuha ng pera.

Itutuloy naman ng pamilya ng biktima ang kasong robbery extortion sa mga suspek, kahit pa hindi nila sukat akalaing magagawa ito ni Perez na matagal nang nagmamaneho para sa kanila.

Read more...