Sa inilabas na pahayag, sinabi ni Binay na nakatanggap siya ng notification o mensahe mula sa Facebook na mayroong nag-rereport at sumusubok na mag-log in ng kaniyang account.
Binago aniya ng hacker ang kaniyang pangalan at e-mail address na nakarehistro sa account.
Sinabi ng senadora na kwestiyunable ang timing ng tangkang pag-hack sa kaniyang account lalo na’t papalapit na ang araw ng eleksyon sa May 13.
Nakababahala aniya ang dami ng tangkang pag-hack sa loob lamang ng isang buwan.
Samantala, hindi tiyak si Binay kung ano ang tunay na motibo at tanging pulitika lamang ang posible aniyang rason.
Nakipag-ugnayan naman ang kampo ni Binay sa Facebook para maibalik ang kaniyang account.