Reaksyon ito ni Caloocan Rep. Edgar Erice, Chairman for Political and Electoral Affairs ng Liberal Party sa pagtawag ni Binay na “manhid at palpak” ang Administrasyong Aquino.
“…ngayon naman, sinasabi niya na hindi niya matiis ang kahirapan. Napaka-plastik naman ni Vice President Binay.” ayon kay Erice.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Erice na walang karapatang magsalita si Binay tungkol sa katiwalian sa harap ng kabi-kabilang alegasyon ng katiwalian laban sa kanya.
“Kung may mahirap e dahil sa korapsyon, wala siyang kredibilidad na magsalita laban sa korapsyon hanggang nandyan yung monumento ng pandarambong sa Makati, yung Makati Parking Building na nagkakahalaga ng 2.3 billion, yung 1.3 billion na Makati Science High School. Hanggang nandyan ang mga istraktura na yan e wala siyang credibility to speak about corruption.” dagdag pa ni Erice.
Sinabi ni Erice na hindi ang liberal party ang nagsiwalat ng mga katiwalian laban kay Binay kundi mismong ang mga dating kaalyado nito gaya na lamang ni dating Makati City Mayor Ernesto Mercado.
“Hindi naman ang mga Liberal ang nag-persecute sa kanya dyan, hindi naman si Pangulong Aquino. Sino ba nagsiwalat nyan? Kanang kamay niya at dati niyang Vice Mayor na nakakaalam lahat nyan. Inaamin naman ni Vice Mayor Mercado na nagnakaw sila dyan sa Makati kasama si Vice President Binay,” dagdag pa ni Erice.
Nauna nang sinabi ni Erice na walang utang na loob si Binay kaya sinabi nitong hindi naman prinsipyo ang pinaghuhugutan ng reklamo ni Binay kundi personal makaraang tanggihan ang pag-endorso sa kanya ni Pangulong Aquino sa 2016./ Jimmy Tamayo