Kinasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts kaugnay sa pagkumpiska ng mga pirated DVDs at VCDs.
Sa tatlong pahinang information na inihain ng Ombudsman sa Anti Graft Court, maliban kay Ricketts, kinasuhan din ng graft sina OMB Executive Director Cyrus Paul Valenzuela, OMB Enforcement and Inspection Division (EID) head Manuel Mangubat, Investigation Agent Joseph Arnaldo at Computer operator Glen Perez ng Sky High Makerting Corporation.
Ayon sa Ombudsman, noong May 27, 2010, sinalakay ng mga tauhan ng OMB ang nasabing korporasyon sa Quezon City kung saan may nakumpiska silang mga piniratang DVD at VCD na aabot sa 127 boxes at dalawang sako.
Pero pinayagan umano ng grupo ni Ricketts na maibalik sa sasakyan ng Sky High ang mga nakumpiskang produkto.
Ayon sa pa sa Ombudsman, wala ring isinampang kaso ang OMB laban sa Sky High.
Dinala pa sa OMB office ang mga nasabat na pirated items at pagkatapos ay inilabas ulit sa gate ng OMB nang gabi iyon kahit walang aprubadong gate pass.
Sinabi ng Ombudsman na dahil sa nasabing insidente, nakompromiso ang ebidensya na dapat sana ay makatutulong para masuportahan ang pagsasampa ng kaso laban sa Sky high. / Dona Dominguez-Cargullo