2 mahistrado, suportado umano si Duterte

Mula sa inquirer.net

Sinubukan ng dalawang Associate Justices ng Supreme Court na paatrasin ang isang kandidato sa pagka-pangulo sa 2016 elections upang umano’y bigyang daan ang pagtakbo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ayon sa source ng Inquirer, sa isang pagpupulong ng mga prominententeng miyembro ng San Beda College fraternity na Lex Talionis, pinakiusapan umano nina Justice Jose Catral Mendoza at Justice Bienvido Reyes si presidential aspirant Roy Señeres na umatras na sa kaniyang kandidatura.

Si Mendoza, na founding leader ng Lex Talionis ay tumatayo ngayon bilang miyembro ng Troika, o ang pinakamataas na pamunuan ng fraternity.

Kinumpirma naman ni Señeres, na isang founding member ng Lex Talionis, na nagkaroon nga sila ng pulong sa isang restaurant sa Pasay Road sa Makati City.

Bukod dito, bagaman tumanggi siyang pangalanan kung sino, kinumpirma rin niyang mayroon ngang nakiusap sa kaniya sa maayos na paraan na i-withdraw na ang kaniyang certificate of candidacy (COC) upang magbigay daan sa pagtakbo ni Duterte na ka-“brod” nila sa fraternity.

Dumating din umano sina dating Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes Jr. at Atty. Vitaliano Aguirre.

Hindi pa umano tumigil noong araw na iyon ang mga pangungumbinse kay Señeres dahil hanggang sa sumunod na araw ay nakakatanggap pa aniya siya ng mga tawag at text hinggil dito sa pag-asang nagbago na ang kaniyang isip.

Kahit pa sinasabing para ito sa kanilang kapatiran at para sa bayan, naninindigan pa rin si Señeres sa kaniyang kandidatura dahil aniya, siya ay “pro-life” habang si Duterte ay “pro-death”.

Wala rin siyang balak umatras dahil hindi naman siya pinagpapaliwanag ng COMELEC kung bakit hindi siya dapat ideklarang nuisance candidate, tulad ng ginawa kay Martin Diño na siyang papalitan ni Duterte.

Samantala, naging nakababahala naman ang naiulat na posisyon ng dalawang mahistrado sa pagtakbo ni Duterte, lalo pa’t maaaring may mga umusbong na isyu ng kwalipikasyon na posibleng umabot sa korte.

Ani dating Justice Sec. Leila de Lima, sinumang miyembro ng judiciary ay hindi dapat nasasangkot sa anumang partisan activity, tulad ng pagpanig sa isang kandidato.

Read more...