
Anim na mga lugar sa bansa ang tinukoy ng Philippine National Police bilang mga Election Watchlist Area o EWA.
Kabilang sa mga inisyal na mga lugar na itinuturing na EWA ay ang lalawigan ng Pangasinan, Masbate, Negros Oriental Western Samar, Maguindanao at Lanao Del Sur.
Ayon kay PNP chief Director General Ricardo Marquez, ang naturang mga lugar ay ang ilan lamang sa kanilang tututukan dahil sa posibilidad ng pagsiklab ng tensyon o kaguluhan na may kaugnayan sa nalalapit na eleksyon sa susunod na taon.
Paliwanag ni Marquez, matuturing na isang election hotspot ang isang lugar kung mayroong matinding partisan political rivalry dito.
Ikalawa, ay kung may mga nakaraang kaso na ng karahasan na maiuugnay sa mga nakalipas na eleksyon.
Ikatlo, may presensya ng mga threat groups tulad ng Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at mga Private Armed Groups o PAGs.
Ikaapat, aniya ay kung may mga naitatalang mga armas sa isang lugar na posibleng gamitin sa pagpapalaganap ng karahasahan sa panahon ng eleksyon.
Dagdag ni Marquez, posibleng madagdagan pa ang listahan sa mga susunod na araw depende sa magiging pagsaaliksik ng PNP.