Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga kasama ni dating Police Col. Eduardo Acierto na maaring makasuhan dahil sa pagtulong sa pagtatago nito.
Naglabas ng notice si PNP Spokesman Col. Bernard Banac sa pagpapatuloy ng kanilang manhunt operation laban kay Acierto.
Ayon kay Banac, hindi inaalis ng PNP ang posibilidad na mayroong tumutulong sa dating police na hindi maaresto.
Wala pa naman aniyang nakikitang indikasyon ang pulisya na nakaalis na ng bansa si Acierto.
Ngunit, patuloy naman aniya ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration sa naturang usapin.
Matatandaang nagsimulang magtago si Acierto noong October 2018 matapos lumabas na sangkot umano sa ilegal na transaksyon ng droga.
Inilabas ng Manila Regional Trial Court ang arrest warrant at hold departure order nang maakusahan si Acierto na may kinalaman sa pagkakapasok ng magnetic lifters na may lamang bilyun-bilyong halaga ng shabu.