Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cebu Pacific spokesperson Charo Logarta Lagamon, ang nasabing libreng round trip ticket ay pwedeng gamitin ng mga apektadong pasahero saanmang domestic destinations.
Sa pagtaya ng Cebu Pacific, sa mga kanselasyon ng biyahe na nangyari mula April 28 hanggang April 30 ay nasa 10,000 na pasahero na ang apektado ng cancelled flights.
Madadagdagan pa ang nasabing bilang dahil magpapatuloy ang mga kanselasyon hanggang May 10.
Pwedeng ipa-book sa loob ng anim na buwan ang naturang free roundtrip tickets at pwedeng i-redeem online.
Ayon kay Lagamon, alam nilang hindi sapat ang paghingi nila ng paumanhin at patuloy na pagpapaliwanag dahil marami ang pasaherong naapektuhan ng mga nakanselang biyahe.
Ang pagbibigay aniya ng libreng roundtrip na biyahe ang isa sa nakita nilang pamamaraan upang ipakita na sinsero ang Cebu Pacific at hindi nila layong maabala ang marami.
Ang libreng roundtrip tickets ay bukod sa ticket na pwedeng i-refund o ipa-rebook ng mga naapektuhang pasahero matapos makansela ang kanilang flight.