Ayon kay BOC spokesman Erastus Sandino Austria, nakatanggap sila ng utos kahapon (April 29), mula kay Finance Secretary Carlos Dominguez III na dapat maibalik ang Canadian trash hanggang May 15.
Sinabi ng opisyal na sa ngayon ay nasa proseso sila ng pag-ayos sa arrangement ng pagbabalik sa mga basura.
Ginagawa na anya nila ang lahat para maging posible ito.
Magugunitang 103 containers ng basura na kinabibilangan ng household trash, diapers at non-recyclable waste ang dumating sa Manila International Container Port (MICP) mula 2013 hanggang 2014.
Ang utos ni Dominguez ay matapos ang bantang giyera ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Canada sakaling hindi nito kunin pabalik ang kanilang mga basura.
Samantala, sa press briefing sa Malacañang kahapon, muling iginiit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ‘figure of speech’ lamang ang bantang giyera ng pangulo.