Ayon kay PCSO board member Sandra Cam, napagkasunduan ng board na magbigay ng P5 milyong tulong sa Pampanga at P1.5 milyon naman sa Zambales.
Ang calamity assistance fund na ito ay ibinigay matapos ang isinagawang assessment ng PCSO sa mga naging pinsala ng lindol.
Samantala, nakatakda ring magbigay ng medical assistance ang PCSO sa mga biktima ng lindol na nasa ospital pa rin hanggang ngayon sa pamamagitan ng Individual Medical Assistance Program (IMAP).
May ibibigay ding artificial legs ang ahensya para kina Maria Lourdes Martin at Desiree Pacun na naputulan ng paa noong kasagsagan ng lindol.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) araw ng Lunes, 18 ang nasawi sa lindol, hindi bababa sa 243 ang nasugatan habang tatlo pa ang nawawala.