Robredo niligawan ang mga Negrense na iboto ang Otso Diretso

Muling nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga Negrense na iboto ang walong kandidato ng ‘Otso Diretso’.

Ang Negros Occidental ang ikalima sa may pinakamalaking bilang ng registered voters sa bansa na may 1.9 milyon.

Sa campaign sortie ng grupo sa Bacolod City, sinabi ni Robredo na nakakaramdam siyang muling ipakikita ng lungsod at ng buong Negros ang paninindigan nila sa May 13 elections.

“Kung titingnan natin historically, ang Negros at Bacolod parating sa tama naninindigan,” ani Robredo.

Inalala ng bise presidente ang naging paglaban ng mga Negrense sa diktaduryang Marcos.

“Nakita natin ‘to noong panahon ng diktaduryang Marcos. Nakikita natin sa matitinding laban, ‘yung Negros talaga ang pushback malakas,” dagdag ng bise presidente.

Ang Negros Occidental ay bahagi ng Western Visayas na binubuo ng Iloilo, Capiz, Antique, Aklan at Guimaras na balwarte ni Mar Roxas at ng Liberal Party na pinamumunuan ni Robredo.

Ito na ang ikalawang beses na nanligaw ang Otso Diretso sa Negrenses ngayong campaign period matapos ang kanilang kampanya noong Pebrero.

Read more...