Isang pastoral letter ang inilabas ni Villegas kung saan nanawagan ito sa mga mamamayan na maging kritikal at dalhin ang kanilang pananampalataya sa pagboto.
“Be critical voters. Be Godly voters. Bring your faith as you choose. Do not leave God when you vote,” ani Villegas.
Sinabi ni Villegas na ang kapangyarihang bumoto ay dapat nakabatay sa katotohanan at pagkaunawa sa dignidad ng tao.
Iginiit ng arsobispo na ang mga lider na iniluluklok sa pwesto ay salamin ng mga pagpapahalaga, pag-asa at pangarap ng mga taong bumoto sa mga ito.
Ipinakokonsidera ni Villegas ang anim na K o 6Ks sa pagboto sa May 13 elections.
Ang 6Ks ay ang kamatayan, kabastusan, korapsyon, kahirapan, kasarinlan at kasinungalingan.
Giit ng opisyal ng Simbahang Katolika, ang patuloy na pagpatay ay hindi makakapagresolba sa problema sa droga at kriminalidad.
Hindi rin anya dapat iboto ang mga kandidatong sinungaling dahil ang mga ito ay magiging korap na opisyal sa hinaharap.
Ang dapat anyang hanapin ay ang mga kandidatong may malinaw at realistikong programa para sa mahihirap, may sakit, disabled at walang mga trabaho.