Pinakakasuhan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan sina dating San Juan City Mayor at ngayo’y Sen. JV Ejercito at 19 iba pang opisyal ng San Juan City dahil sa umanoy maanomalyang pagbili ng high-powered firearms noong 2008.
Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Technical Malversation ang isinampa laban sa mga ito dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng P2.1 milyon halaga ng malalakas na uri ng baril gaya ng K2 cal. 5.56mm submachine guns at Daewoo model K1 cal. 5.56mm submachine guns.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Ombudsman na ang ginamit na pondo sa pagbili ng mga nasabing armas ay galing sa calamity fund ng lungsod base sa kahilingan ni Ejercito bilang noo’y Alkalde ng lungsod.
Ang ginamit umanong dahilan nito ay gagamitin ang procurement bilang investment para sa disaster preparedness.
Sa ilalim ng DBM-DILG Circular, ang high-powered firearms ay hindi kasama sa mga ginagamit para sa disaster relief and mitigation.
Sinabi pa ng Ombudsman na nang magrequest para sa pagbili ng high-powered firearms ay hindi naman kasama ang San Juan City sa naideklarang nasa State of Calamity.
Maliban kay Ejercito, kasama sa pinakakasuhan sina Vice Mayor Leonardo Celles, at iba pang City Councilors kasama si Francis Zamora, at iba pang opisyal ng lungsod sa termino ni Ejercito.