Hirit na pagpapalawig sa voters registration ibinasura ng SC

supreme-court
Inquirer file photo

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Kabataan partylist na palawigin ang deadline ng voters registration.

Ayon sa Supreme Court, binigyan ng Comelec ng sapat na panahon ang mga botante para makapagparehistro mula May 6, 2014 hanggang October 31, 2015.

Sang-ayon ang Supreme court sa paliwanag ng Comelec na makakaapekto ng lubha sa kanilang preparasyon sa halalan kung magkakaroon ng malaking pagbabago sa timeline ng kanilang aktibidad gaya ng extension ng voters registration.

Mayroon anilang pre-election acts ang poll body na nakadepende sa pagkumpleto ng voters registration.

Pinaboran din ng Mataas na Hukuman ang sinabi ng Comelec na ang binabanggit na 120-day period bago ang eleksyon sa voters registration law ay hindi nagdedetermina kung hanggang kailan ang petsa ng pagpaparehistro.

Katwiran ng mga petitioners batay sa Section 8 ng Voters’ Registration Act, ang registration ay maaring gawin hanggang sa 120 araw bago ang mismong petsa ng regular election.

Kaya kung pagbabatayan ito ng voters registration para sa May 2016 elections ay dapat na mapalawig hanggang January 8 2016 at hindi dapat hanggang noong october 31, 2015 lamang ayon sa petisyon ng Kabataan Partylist.

Read more...