Sa isang panayam, sinabi ni CAB spokersperson Atty. Wyrlou Samodio na nais nilang malaman ang puno’t dulo ng aberya.
Aabot sa 50 biyahe ang nakansela sa iba’t ibang dahilan na inilabas ng nasabing airline company.
Base sa unang pahayag ng Cebu Pacific, nagkaroon ng problema ang kanilang eroplano dahil umano sa birdstrike.
Idinahilan din ng kompanya ang air traffic na nagiging sanhi ng pagka-antala ng kanilang biyahe.
Pero iginiit ni Atty. Samodio na hindi maaaring gamiting dahilan ang air traffic dahil may iba namang eroplano ang nakalipad at nakabiyahe.
Samantala, inatasan na ng CAB ang Cebu Pacific na magsumite ng dokumento kung natugunan nito ang pangangailangan ng mga naapektuhang pasahero gaya ng hotel accommodation sa mga biyahero na nasa airport na nang ianunsyo ang kanseladong biyahe.
Nauna na ring humingi ng paumanhin ang Cebu Pacific sa nangyari aberya kasabay ng pagtiyak na gagawin ang lahat para matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.