Hirit na gawing P1,274 ang minimum wage sa Metro Manila inihain na ng TUCP

Naihain na ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang petisyon nila na humihiling ng dagdag-sahod sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Pormal na isinampa ang petisyon sa wage board sa National Capital Region, kung saan hinihiniling ang dagdag na P710 sa minimum wage.

Sa naturang petisyon, mula sa kasalukuyang P537 na minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila ay nais nila itong itaas sa P1,247.

Ayon sa TUCP, dapat ay ganitong halaga na ang arawang sahod na tinatanggap ng mga empleyado para makaagapay sa mataas na bilihin at makapamuhay ng normal at disente.

Hindi na anila sapat ang P537 na sweldo lalo pa at nagtataasan na ang mga bilihin at serbisyo.

Malalaman pa kung ano ang magiging hakbang wage board sa naturang petisyon.

Umiiral pa kasi ang one year moratorium sa paghahain ng wage hike petition dahil noong November 2018 lamang huling itinaas ang sweldo ng mga manggagawa sa NCR.

Read more...