NDRRMC magsasagawa ng mas maraming earthquake drills

Nais ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magsagawa ng mas maraming earthquake drills dahil sa sunud-sunod na pagyanig na naranasan ng bansa sa nagdaang linggo.

Ayon kay NDRRMC spokesman Edgar Posadas, kailangang maging bahagi ng sistema ng bawat mamamayang Filipino ang mga pagsasanay sa earthquake drill upang matiyak ang kanilang kaligtasan sa panahon ng lindol.

“We want to conduct this drill as regular as possible until such time that this becomes part of every Filipino’s system when it comes to their safety during earthquakes,” ani Posadas.

Pahayag ito ng NDRRMC matapos ang reaksyon ng netizens sa social media sa mga nag-viral na video clips at CCTV footages sa mga nagdaang lindol.

Maraming netizens ang nakapansin na ilan sa mga nakaranas ng lindol ay nag-panick at nakalimutan ang itinuro sa earthquake drills.

Sinabi naman ni Posadas na normal ang panic sa kasagsagan ng lindol ngunit dapat maituro ng earthquake drills na maging mahinahon ang mga tao matapos ang ilang sandali, gawin ang duck, cover and hold at maayos na lumabas mula sa mga establiyimento.

Ipinagmalaki naman ng opisyal na marami pa rin ang ginawa ang kanilang mga natutunan sa earthquake drills.

Katunayan anya, karamihan ay lumabas nang maayos sa kanilang mga establiyimento at inokupa ang open spaces.

Ani Posadas, inspirasyon ito dahil nagkaroon ng positibong resulta ang pagsusumikap ng NDRRMC na maitaguyod ang kaalaman ng publiko sa kasagsagan ng lindol.

Samantala, target ang mga bata sa mga susunod na earthquake drills dahil marami umano silang natanggap na ulat na ginawa talaga ng mga bata ang kanilang mga natutunan.

Read more...