Iginiit ni Incumbent Makati City Mayor Abigail “Abby” Binay na inakusahan siya ng kanyang kapatid at kalabang si dating Mayor Junjun Binay na sangkot siya at ang kanyang asawa sa pagpatay sa dati nitong sekretarya.
Magugunitang nasawi ang long-time aide ni Junjun na si Monaliza Bernardo noong March 23 matapos barilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Nagkainitan ang dalawa sa isang election forum na inorganisa ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa San Ildefonso Church sa Makati.
Bukod sa pagtataasan ng boses ay nakitang tumayo at lumuhod pa sa harapan ni Abby si Junjun na nagpapakita ng pagkairita nito.
Sinubukan nina dating Vice President Jejomar Binay at Makati Police chief Pablo Simon na pahupain ang tensyon.
Sinabi ni Abby na nagwala ang kanyang kapatid matapos pagsabihan na hindi dapat ganung klase ng pangangampanya ang ginawa nito.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi naman ni Junjun na wala siyang binanggit na pangalan nung siya ay nagsalita at pinagsisigawan na lamang anya siya ng kapatid pagbalik sa upuan.
Samantala, dumalo rin sa forum ang ilang mga kandidato na sina Ricky Yabut, Renato Bondal at Wilfredo Talag.
Dismayado si Yabut na ang pamilya anyang 33 taon nang nanungkulan sa Makati ay hindi nagpakita ng dignidad.