Sa unang biyahe ng express bus na nagmula sa Trinoma Mall bago mag-alas sais ng umaga, anim na pasahero lamang ang lulan ng bus.
Kuwento ng mismong konduktor ng bus dalawang oras pa rin tumatagal ang paglalakbay nila mula sa Trinoma hanggang Makati City dahil sa masikip na trapiko sa EDSA.
Ayon sa konduktor na si Nelson Geronimo mas mabilis naman ang biyahe nila pabalik ng Quezon City. “dalawang oras pa rin po sobrang traffic. Kung saan po maluwag dun po kami dumadaan kaya lang po sobrang traffic lang po talaga.” ani ni Nelson.
Umaabot ng 50 minutes to one-hour ang biyahe ng express bus mula Makati pabalik ng Quezon City.
Sinabi ni Randy Molina, first time passenger ng express bus — ini-iwan niya ang kanyang sasakyan sa pay parking ng Trinoma Mall at sumasakay siya ng MRT para makatipid sa gasolina.
Ayon kay Molina gusto niyang subukan ang express bus dahil mas maginhawa ito kumpara sa MRT na bagamat 45 minutes lang papunta ng Makati – makikipag-sapalaran ka naman sa sobrang haba ng pila at siksikan sa loob ng tren. “gusto kong maging convenient e. unang-una dun sa MRT nakatayo ka, e (dito) maluwag.”
Simula ngayong araw (December 8) mula sa dating 80 pesos ay magiging 64 pesos na lamang ang pamasahe mula sa SM North EDSA hanggang Glorietta 5 sa Makati City at vice versa.
Magiging 60 pesos naman ang pasahe mula sa Trinoma Mall sa Quezon City hanggang sa Park Square Ayala mula sa orihinal na 80 pesos.
Samantala, ang dating P60 na bayad sa pasahe mula SM Megamall patungong Park Square ay magiging P40 na lamang.