Ito’y taliwas sa naunang pahayag ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na hindi uubrang disiplinahin ng Ombudsman ang mga pala-absent na mambabatas.
Paliwanag ni Dasmarinas City Rep. Elpidio Barzaga, ang Ombudsman ay isang constitutional body na may
mandatong tiyakin na natutupad ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Barzaga, na isang abogado, dahil sa “broad” ang kapangyarihan ng Ombudsman, magsisilbing “test case” ang letter complaint para sa anti-graft body na i-compel ang mga Kongresista na dumalo na sa mga sesyon sa plenaryo.
Naniniwala si Barzaga na magandang oportunidad ang reklamo para isa-isang pagpaliwanagin ang mga House Member kung bakit bigo silang maging present tuwing may sesyon.
Giit pa ni Barzaga, kung sa ordinaryong opisina ay napaparusahan o napapanagot ang mga empleyadong absinero, hindi aniya dapat maging excuse rito ang mga nasa public office gaya sa Kongreso.
Higit sa lahat, ipinaalala ni Barzaga sa mga kapwa Kongresista na ang “public office is a public trust.”
Matatandaang noong isang linggo, mahigit 20 grupo mula sa Mindanao ang naghain ng letter complaint dahil sa kawalan ng quorum sa Kamara, dahilan para hindi maatupag ang mahahalagang panukalang batas tulad ng Bangsamoro Basic Law o BBL.