Umaabot sa $12.16 billion na halaga ng investment ang nakuha ng bansa mula sa China kaugnay sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing bansa.
Kabilang dito ang ilang mga business investments na may kaugnayan sa petrochemical, industrial park, infra projects at food production.
Kahapon, ay personal na sinaksihan ng pangulo ang paglagda sa 19 na business agreements na inaasahang magdadala sa bansa ng 21,165 na mga bagong trabaho.
Sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez na tiniyak ng pangulo sa mga negosyanteng Chinese na tuloy ang kampanya ng pamahalaan kontra sa katiwalian.
Kabilang sa mga kasunduang napirmahan ay ang sa pagitan ng Tranzen Group ng mining businessman na si Salvador Zamora II at China Power Investment Holding para sa development ng thermal, hydroelectric at renewable power plants.
Inaasahang aabot sa $2 Billion ang nasabing kasunduan at magbibigay ng dagdag na 1,000 trabaho.
Kabilang sa mga proyekto sa kasalukuyan na katuwang ng bansa ang China ay ang Kaliwa Dam project (P12.2 billion o $234 million), Chico River Pump Irrigation Project (P4.37 billion), Mindanao Railway project (P128.1 billion), Binondo-Intramuros bridge (P4.61 billion) at Estrella-Pantaleon bridge (P1.37 billion o $26.3 million).