Naniniwala si dating Senate President at ngayon ay senatorial candidate Juan Ponce Enrile na hindi pa tapos ang kanyang misyon sa paglilingkod sa publiko kaya minarapat ng diyos na bigyan siya ng mahabang buhay.
Sa kanyang pag-iikot sa San Pedro City sa Laguna, sinabi ni Enrile na handa siyang ituloy kung ano ang gusto ng diyos para sa bansa.
Ito umano ay kanyang gagawin hindi para sa sarili, sa kanyang pamilya kundi para sa bayan.
Bilang isang beteranong public servant, sinabi ni Enrile na malawak ang kanyang pinagdaanan sa larangan ng pulitika.
Sa mga nagtatanong kundi pa ba sapat ang kanyang ginawa sa bayan, sinabi ni Enrile na para sa kanya ay sapat na ang mahabang panahon ng public service.
Pero dahil sa dami ng problema sa bansa ay nagpasya siyang bumalik sa paglilingkod.
Kailangan umano ng mga batas at desisyon para sa susunod na henerasyon ng mga Pinoy.
Sinabi ni Enrile na pangunahing nagtulak sa kanya para bumalik sa Senado ay ang panukalang pagpapalit sa porma ng pamahalaan.
Base sa kanyang pag-aaral, ang pederalismo ay magdudulot ng malaking problema sa bansa.
Iyun umano ang dahilan kaya lumamig ang gobyerno sa pagsusulong ng pederalismo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Nangako rin si Enrile na sakaling makabalik siya sa Senado ay magiging prayoridad niya ang pagsusulong ng batas para maibaba ang presyo ng kuryente.