Nakikipagtulungan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Cypriot authorities kaugnay ng imbestigasyon sa pagkamatay ng tatlong Filipina na unang napaulat na nawawala sa nasabing bansa higit isang taon na ang nakalipas.
Ito’y matapos ang pag-amin ng isang hindi pinangalanang militar officer na siya ang nasa likod ng pagpatay sa tatlong Pinay at iba pang mga babae.
Ayon sa imbestigador na humarap sa korte, may nakita silang larawan ng temporary residence permit ng isa sa biktima na kinilalang si Maricar Valtez Arquiola na nasa bahay ng 35-anyos na military captain.
Ang nasabing larawan ay kuha noong December 2017, ang araw namawala si Arquiola.
Inamin naman ng suspek ang pakikipagkita niya sa biktima isang araw bago ito mapaulat na nawawala.
Nitong huwebes, natagpuan ang bangkay ni Tiburcio sa isang mababaw na hukay at matapos ang 6 na araw ay isa pang bangkay ng babae ang nakita sa abandonadong lagusan.
Kinilala ang dalawa pang Filipina na sina Marry Rose Tiburcio, 38-anyos ; Arian Palanas Lozano, 28-anyos habang patuloy na nawawala ang 6-taong gulang na anak ni Tiburcio na si Sierra.
Natunton ang suspek makaraang suriin ang mga online activity ni Tiburcio na naging lead ng otoridad para matukoy ang sundalo.
Napag-alaman rin na suspek rin ang nasabing sundalo sa pagpatay sa ilan pang mga kababaihan sa lugar.
Samantala, dumating na sa Cyprus ang isang grupo mula sa Philippine Embassy sa Athens para tumulong sa imbestigasyon ng kaso.
Ang pagkawala ng 3 kababaihan ay nauna nang ipinagbigay alam ng Philippine Embassy sa pulisya sa Cyprus.