Sa kanilang bilateral meeting kasabay ng second Belt and Road Forum sa Beijing, ipinalala ni Pangulong Duterte kay Xi ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration pabor sa Pilipinas.
Pero ayon kay Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana, kinontra ni Xi ang sinabi ng Pangulo.
Iginiit anya ng Chinese leader na hindi kinikilala ng China ang arbitral ruling na napapawalang bisa sa pag-angkin nila sa naturang teritoryo sa rehiyon.
“The President raised this and the Chinese maintained their position. So there are differences,” ani Sta. Romana.
Una rito ay sinabi ni Duterte na dapat ay walang presensya ng mga barko ng China sa Pag-asa Island.
Gayunman, sinabi ni Sta. Romana na nagkasundo ang dalawang lider na hindi banta sa isa’t isa ang Pilipinas at China.
Nagkasundo rin anya sina Duterte at Xi na ituloy ang diplomatiko at bilateral na paraan ng pagresolba sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea at South China Sea.