P60M na halaga ng smuggled na asukal at mga paputok nakumpiska sa Subic

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Port of Subic ang mga smuggled na paputok at asukal na nagkakahalaga ng P60 million.

Galing Hong Kong ang mga container van na naglalaman ng mga puslit na produkto.

Ipinag-utos ni Port District Collector Maritess Martin ang isandaang porsyentong examination sa 34 na container na naka-consigned sa kumpanyang JRFP International Trading.

Nadiskubre sa naturang inspeksyon ang P60 million halaga ng mga smuggled na asukal at mga paputok.

Ayon sa BOC, idineklarang mga floor mats at plastic floor coverings ang laman ng mga container vans pero natuklasan dito ang 21,760 bags ng refiined sugar mula sa Thailand habang ang ibang container ay naglalaman ng mga kahon-kahong mga firecrackers.

Naglabas na ang Customs ng warrant of Seizure and Detention laban sa naturang mga shipment.

Ipinag-utos na rin ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang agarang revocation ng customs accreditation ng importer at customs broker na nagparating sa bansa ng nasabing mga smuggled goods.

Inihahanda na rin ng BOC ang kaukulang reklamo ng paglabag sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act laban sa consignee ng nasabing shipment.

Read more...