Tatlong school buildings at 3 tulay sa Metro Manila ang nakitaan ng minor na pinsala matapos ang 6.1 magnitude na lindol na tumama sa Luzon noong Lunes.
Sinabi ni DPWH – NCR Director Ador Canlas na matapos tumama ang lindol agad silang nagdeploy ng rapid assessment team at sinuri ang mga public school buildings, mga tulay at iba pang pampublikong gusali.
Tatlong school buildings sa Las Piñas na kinabibilangan ng Las Pinas National High School, Las Pinas North National High School at CAA Building.
Inilagay sa red flag ang tatlong gusali na nangangahulugang kailangan pa ng mas malalim pang pagsusuri.
Mayroon namang tatlong tulay sa Metro Manila ayon kay Canlas ang nakitaan din ng minor defect.
Ito ay ang Tenajeros Bridge, Tanza Bridge at Guadalupe Bridge.
Pero ayon kay Canlas, walang dapat ikabahala dahil minor cracks lang ang nakita at hindi naman dapat isara ang mga ito.
Sa kabuuan, kahapon ng hapon sinabi ni Canlas na umabot na sa 589 na school buildings, 279 na tulay at 189 public buldings sa Metro Manila ang kanilang nasuri.