Isa pang 3-star rank general ang nakahanay sa pinagpipilian para maging pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Deputy Director General Danilo Constantino, nakausap na siya ni Pangulong Aquino kung saan tinalakay nila ang mga isyu sa PNP. Si Constantino ang number 4 man ngayon sa PNP.
Kabilang anya sa itinanong sa kanya ni PNoy ang tungkol sa Mamasapano incident na ikinasawi ng 44 na PNP Special Action Force (SAF) troopers sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Hindi naman masabi ni Constantino kung ang pagpapatawag sa kaniya ni PNoy ay bahagi na ng panayam nito sa pagpili ng bagong magiging PNP Chief.
Kaka-promote lamang kay Constantino at nabigyan ng ikatlong estrelya para sa pwestong pinuno ng PNP Directorial Staff.
Kasama ni Constantino na ipinatawag ni PNoy ang kaklase niya sa Philippine Military Academy na si Director Ricardo Marquez. Maliban kina Constantino at Marquez, ang iba pang matunog na pinagpipiliian para maging susunod na PNP Chief ay sina Deputy Director Gen. Marcelo Garbo, Dir. Benjamin Magalong, at Chief Supt. Raul Petrasanta./ Dona Dominguez-Cargullo