Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ito ang kontribusyon ng Simbahan sa nation-building o pagtaguyod sa bansa.
“Ang tulong (na gagawin namin) ay i-guide ‘yung mga taong kababayan natin kung papaano bumoto base sa turo ng moralidad, turo ng pagiging Pilipino. Dapat makabayan, at tsaka maka-Diyos tayo,” ani Abp. Villegas.
Ang pahayag ng arsobispo ay bago ang dayalogo kasama ang senatorial candidates mula sa Otso Diretso.
Nilinaw naman ni Abp. Villegas na tutulong lamang ang Simbahan sa voter education ngunit hindi kailanman mag-eendorso ng mga kandidato.
Hahayaan anya ng Simbahan ang mga mamamayan na magdesisyon sa kanilang iboboto.
“So ‘yung sino iboboto o sino ‘yung partidong iboboto nila, bilang bishop hinahayaan namin na ‘yung parishioners namin ‘yung bumoto, ang magdesisyon. Our role is to be purveyors of conscience. We cannot be substitutes for the conscience of the people,” dagdag ng arsobispo.
Gagawin anya ng mga lider ng Simbahan ang lahat upang marinig ang kanilang boses at hindi sila mapapagod na magturo ng moralidad dahil ito ang kanilang bahagi sa pagtataguyod sa bansa.
“So we will do our very best until our voices go hoarse, but we will not get tired of teaching because that is our contribution to nation building,” giit ni Abp. Villegas.