Personal nang maghahain ng kanyang Certificate of Candidacy si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ngayong araw, Martes upang isapormal ang kanyang hangaring tumakbo bilang pangulo ng bansa sa 2016 elections.
Ito ang kinumpirma ni Senador Koko Pimentel, presidente ng PDP-Laban kung saan kaanib ang alkalde.
Personal aniyang haharap ang alkalde sa main office ng COmelec sa Intramuros Maynila upang ihain ang kanyang COC upang maging sigurado na ang pagtakbo nito sa susunod na taon.
Ang alkalde na aniya ang pipirma sa lahat ng mga kinakailangang mga dokumento sa halip na isang kinatawan o representative.
Sa pamamagitan aniya nito, wala nang masasabi ang ilang grupo sa tunay na hangarin ng alkalde.
Dagdag pa ni Pimentel, sa paghahain ng sariling COC ni Duterte, hindi na magagamit ang isyu ng maling entries sa COC ni dating Barangay Chairman Martin Diño upang kuwestyunin ang kandidatura ng alkalde.
Sakaling kuwestyunin aniya ng sinuman ang COC ni Duterte, handa ang partido na ipaglaban ito.