Kinastigo ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon ang Commission on Elections o Comelec sa umano’y pananakot sa publiko sa NO-EL o no election scenario sa May 2016 Polls.
Kasunod ito ng desisyon ng Korte Suprema na naglabas ng Temporary Restraining Order o TRO laban sa No Bio, No Boto policy na ayon sa Comelec ay makakaapekto sa preparasyo nila para sa halalan.
Pero giit ni Ridon, lead petitioner sa kaso sa Supreme Court na ang pagdaraos ng halalan ay itinatakda ng Saligang Batas at hindi nakadepende sa convenience ng Comelec.
Dagdag ni Ridon, ang kanilang ipinaglalaban ay ang karapatan ng mahigit tatlong milyong botante na maaaring hindi makaboto dahil sa dagdag requirement ng komisyon.
Payo ng kongresista sa Comelec, sa halip na magbanta ng no-el, dapat aniyang mag-adjust ang komisyon para matiyak na tuloy ang eleksyon at makakaboto ang mga taong sakop ng TRO.
Ani pa Ridon, kasalanan ng Comelec kung hindi sapat ang kanilang panahon at paghahanda para sa halalan sa 2016.