Nagsagawa ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng Demonitazion briefing sa Mababang Kapulungan upang maipaalala at maipaliwanag ang pag-alis sa sirkulasyon ng lumang serye ng mga salapi.
Ayon kay Deputy Director Maja Gracia Malik ng BSP Currency Issue and Integrity Office, sakop ng demonetization program ng Bangko Sentral ang mga lumang peso bills o banknotes na inilabas noong 1985.
Sinabi ni Malik na aabot sa 432 million na piraso ng banknotes ang idedemonetize at may katumbas itong P67Million.
Ayon kay Malik, ang demonetization ng BSP ay layong protektahan ang salapi kontra sa mga modus gaya ng pamemeke.
Batay sa demonetization schedule ng BSP, maaari pang gamiting pambayad at panukli ang mga lumang peso bills hanggang sa December 2015.
Pag-pasok naman ng January 2016, ang mga lumang serye ng pera ay papalitan na lamang sa mga bangko o mismong sa BSP at tatagal ito hanggang December 2016.
Simula naman sa January 1, 2017, demonetized na o wala nang halaga ang lahat ng mga lumang peso bills.
May special time allowance naman ang BSP para sa mga OFW, korte at law enforcement agencies na may hawak na lumang banknotes na hindi makakahabol sa schedule ng pagpapapalit ng lumang serye ng mga salapi.
Para sa OFWs, umpisa sa October 2016 ay kailangang irehistro sa BSP kung magkano ang hawak na lumang banknotes at pagbalik sa Pilipinas ay dalhin ito sa BSP kasabay ng pagsusumite ng passport at registration document.
Sa mga korte at law enforcement agencies naman na may hawak na old banknotes na bahagi ng kaso o ebidensya, dapat umanong isumite sa BSP ang mga pera para mapalitan sa oras na materminate na ang kaso.
Samantala, nilinaw ni Malik na hindi kasama sa demonetization program ng BSP ang mga barya.