Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang ilang mamamahayag na sinasabing may kaugnayan sa umano’y planong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte sa pwesto.
Magugunitang isang matrix ng ouster plot ang inilathala ng isang pahayagan na galing mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa Palasyo ng Malacañang.
Ayon kay PNP chief Police General Oscar Abayalde, mangangalap sila ng impormasyon at isasailalim sa validation ang anumang makuha nila.
Ito anya ay upang kapag hiningian ang PNP ng komento o impormasyon ay makapagbibigay ang kanilang hanay.
Iginiit din ni Albayalde na mas maigi nang gawin nila ito upang sila ay maging handa imbes na hintaying mautusan pa.
Sinabi ng PNP chief na dapat ay makabuo ang kanilang mga imbestigador ng solidong ugnayan sa pagitan ng media personalities at alias ‘Bikoy’ na nasa likod din umano ng ouster plot.
Ilan sa mga mamamahayag na nasa matrix ay pinabulaanan na ang mga alegasyon.