Poe naghain ng Motion for Recosideration sa DQ case sa Comelec

grace-poe1
Inquirer file photo

Pormal nang hiniling ng kampo ni Senador Grace Poe sa Comelec na baligtarin ang naging desisyon ng Comelec Second Division na nagdedeklarang hindi siya qualified na presidential candidate sa susunod na taon.

Ito ay sa pamamagitan ng 63-pahinang Motion for Reconsideration na inihain ng kampo ni Poe sa pamamagitan ng kanyang abugadong si Atty. George Garcia.

Sa kanyang mosyon, iginiit ni Poe na nagkaroon ng error in judgement at grave abuse of discretion ang Comelec Second Division.

Hindi raw kasi ikinunsidera ng Comelec Second Division ang mga isinumite nilang ebidensya na magpapatunay na mahigit sampung taon nang naninirahan sa bansa si Poe kaya naabot niya ang minimum residency requirement para tumakbo sa presidential election.

Paliwanag ni Garcia, noon pang May 2005 o isang taon bago ang reacquisition ng kanyang Filipino citizenship ay residente na ng Pilipinas si Poe.

Nagawa umanong matugunan ni Poe ang mga rekisitos para maging residente o mag-establish ng domicile sa Pilipinas at ito ay ang pagkakaruon ng pisikal na presensya sa Pilipinas pati na rin ang intensyon na permanente nang manirahan sa ating bansa at tuluyan nang talikuran ang Amerika bilang kanyang former domicile o tirahan.

Kasama rin sa isinumite ni Garcia ay ang naging desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagsasabing siya ay natural-born Filipino.

Naniniwala rin si Garcia na kung susundin ang proseso sa motion for reconsideration gaya ng pag-oobliga sa magkabilang panig na magsumite ng kumento dapat mapasama ang pangalan ni Poe sa pinal na listahan ng mga kandidato.

Posible kasi na lumagpas ang December 15 na deadline para sa pinal na listahan ng mga kandidato ay hindi pa makapagpalabas ng pinal na desisyon ang Comelec sa mga disqualification case ni Poe.

Read more...