Ibinasura na ng Comelec 2nd Division ang petisyon na nagde-deklara kay Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Martin Diño bilang nuisance Presidential candidate sa 2016.
Sa desisyon ng nasabing dibisyon ng Comelec, kanilang sinabi na si Diño ay opisyal na kandidato ng PDP-Laban sa presidential election sa susunod na taon.
Dahil dito, tinanggap din ng Comelec ang paghalili ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang opisyal na kandidato ng nasabing political party sa Presidential race.
Ito’y makaraang mag-withdraw si Diño ng kanyang kandidatura noong October 29 na sinundan naman ng paghalili sa pwesto ni Duterte noong November 27.
Nauna nang ibinasura ng Law Division ng Comelec ang kandidatura ni Diño dahil sa simula pa lamang ng filing ng kanyang Certificate of Candidacy ay kanya nang sinabi na siya’y magsisilbi lamang bilang “placeholder” sa gagawing kandidatura ni Duterte.
Pero ang nasabing desisyon ng Law Department ay ibinasura ng Comelec 2nd Division sa pagsasabing walang mali sa ginawa ni Diño dahil kinilala ng kanilang partido ang kanyang pagsusumite ng COC.
Ang Comelec 2nd Division ay binubuo nina Commissiners Al Parreno, Arthur Lim at Sheriff Abas kung saan sila rin ang naunang nag-deklara na hindi pwedeng tumakbo sa halalan si Sen. Grace Poe dahil sa residency requirement issue.
Sa mga susunod na araw ay reresolbahin naman ng Comelec ang isyu ng pagkakamali sa posisyon na inilagay ni Diño sa kanyang naunang isinumiteng COC.
Nakalagay kasi sa kanyang Certificate of Candidacy na siya’y kandidato sa pagka-Mayor ng Pasay City bagay na kinuwestyon ng ilang elections lawyers.
Sinabi naman ni PDP-Laban President Koko Pimentel na naniniwala siyang malulusutan nila ang nasabing pagkakamali dahil iyun ay simpleng clerical error lamang.