(UPDATE) Walong katao ang naiulat na nasawi habang 20 ang nasugatan sa Pampanga matapos ang magnitude 6.1 na lindol sa Luzon Lunes ng hapon.
Sa isang panayam sinabi ni Pampanga Governor Lilia Pineda, patuloy ang rescue operation sa limang namatay.
Mayroon anyang nakitang nakaipit na tao kaya nagpahanap pa ng doktor para ilabas ang biktima na umanoy naiwan ang paa sa guho.
Ayon kay Pineda na dalawang lola ang nasawi sa bayan ng Lubao habang tatlong tao ang namatay sa isang gusali na bumagsak sa Porac.
“Sa Barangay Sta. Cruz sa Lubao, dalawa. Tapos itong sa Porac yung naguhong building, tatlo na yung patay, sa ngayon tatlo na yung nakuhang patay kasi nirerescue na sila, makakapal yung debris,” pahayag ng gobernadora.
Tatlo pa anya ang patay sa tatlong barangay sa Porac matapos bumagsak ang kanilang mga bahay.
Nasa 20 katao naman ang nailigtas sa nasirang gusali sa Porac at dinala ang mga ito sa pinakamalapit na ospital pero ilan pa anya ang nasa loob ng gusali.
Samantala, sa isang pahayag ay sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagpadala na ito ng 10 tauhan para tumulong sa rescue operation sa Porac, Pampanga.
“MMDA to send a team composed of 10 personnel from its Public Safety Division to help in search and rescue operations at Porac, Pampanga. The team will leave at 9pm tonight,” pahayag ng ahensya.