Pag-atake ng mga ISIS supporters, ‘di malayong mangyari sa bansa

ISIS in MindanaoHindi malayong mangyari sa Pilipinas ang kahalintulad na aktibidad ng ISIS at kanilang mga supporters sa ilang mga bansa.

Ito ang sinabi sa Radyo Inquirer ni Prof. Rommel Banlaoi, isang security and counter-terrorism expert at Chairman of the Board of the Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research (PIPVTR) .

Ayon kay Banlaoi, ang mga aktibidad ng mga ISIS supporters gaya ng paglulunsad ng mga suicide attacks sa mga matataong lugar ay maari ding maganap sa bansa. “With the propagation ng ISIS ideology worldwide, malaki na ang posibilidad na may mangyaring suicide attacks sa bansa,” paliwanag ni Banlaoi.

Malinaw aniya ang pagtaas ng trend ng ‘lone wolf attackers’ o ‘lone wolf perpetrators’ sa iba’t ibang panig ng mundo at ang pinakahuli nga ay ang mass shooting sa San Bernardino California na ikinasawi ng labing-apat katao. “Kahit walang instructions sa kanila ay ginagawa nila ang pag-atake. Kahit sino ay pwedeng gawin iyan, dahil sa impluwensya ng ISIS,” dagdag pa ni Banlaoi.

Dito sa Pilipinas, sinabi ni Banlaoi na mayroong tatlong uri ng ISIS followers. Ang una ay ang mga followers na mayroong direktang komunikasyon sa mga ISIS leaders sa pamamagitan ng social media, emails at iba pa.

Ikalawa naman ay ang mga supporters na walang direktang komunikasyon pero naniniwala sa ideology ng ISIS, at gumagawa ng mga hakbang na nagpapakitang sila ay bahagi ng ISIS.

Ang ikatlo ayon kay Banlaoi ay ang mga supporters na walang direct communication at hindi rin matindi ang paninilawa sa ideology ng ISIS pero makikita sa kanilang mga hakbang at pagkilos na sila ay kabahagi ng teroristang grupo.

Sinabi ni Banlaoi na ang ‘pledge of allegiance’ ng ilang grupo sa bansa para sa ISIS ay hindi dapat balewalain ng mga otoridad. “Kung ang hinahanap natin ay ISIS na Syrian o galing Iraq, wala dito sa Pilipinas niya, pero kung ang pagbabatayan ay self-proclaimed ISIS followers, meron talagang mga hayagang naglalabas ng pledge of allegiance sa ISIS,” ayon pa kay Banlaoi.

Read more...