Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Guiani na batay sa kanilang impormasyon, sa Cotabato City pa lamang, mayroong aabot sa 30 estudyante ang na-recruit na pawang mula sa iba’t ibang pribado at pampublikong paaralan.
Ilan lamang sa binanggit ni Guiani ang mga eskwelahan sa Cotabato City gaya ng STI, Notra Dame University, at Roxas High School.
Ang mga estudyanteng na-recruit aniya ay pawang mga edad 16, 17, at 18 habang ang iba ay edad 20 pataas. “Sa information namin, more than 30 students were recruited mula sa gov’t. schools, private schools,” ayon kay Guiani.
Kasabay nito, nanawagan si Guiani sa mga magulang at sa mga school administrators na bantayang mabuti ang kilos ng mga estudyante.
Sinabi ni Guiani na hindi imbento ang nasabing mga impormasyon dahil ang isa sa mga estudyante na nadamay sa engkwentro kamakailan sa Palimbang, Sultan Kudarat ay anak ng isang empleyado ng City Government ng Cotabato.