WATCH: Daan-daang pasahero, naperwisyo sa tigil-pasada ng ACTO sa Taguig

Daan-daang pasahero ang naapektuhan ng isinagawang transport holiday ng grupong Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) sa FTI sa Taguig City.

Nagalit ang mga pasahero na napilitang maglakad matapos harangin ng mga miyembro ng ACTO ang mga pumapasadang driver at sapilitang pababain ang mga nakasakay.

Humarang pa ang mga ACTO members sa kalsada at ang mga pampasaherong jeep na hindi humihinto ay sinasakyan nila sa bumper para mapilitang tumigil at lumahok sa tigil-pasada.

Maging ang mga pribadong motorista ay naapektuhan din dahil nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng traffic ang nasabing pagkilos ng transport group.

Ipinoprotesta ng mga kasapi ng ACTO ang plano ng Land Transportation Office, Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na magpatupad ng phase-out sa mga pampasaherong jeep na luma na.

Bago mag alas 7:00 ng umaga ay tumigil din ang ACTO sa ginagawa nilang protesta.

Ayon kay Ruben Oclarino, Presidente ng ACTO Parañaque, sinabihan na sila na magbalik pasada na matapos umanong magpahiwatig ang LTFRB na uupo at pag-usapan ang kanilang protesta.

Read more...