Nangangamba si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na maaaring maantala ang mismong eleksyon sa sususnod na taon.
Ito ay dahil sa temporary restraining order (TRO) na ipinataw ng Supreme Court sa “No Bio, No Boto” campaign ng COMELEC na nag-oobliga sa lahat ng mga botante na tiyaking mayroon silang biometric records para mapayagan silang bumoto.
Maaari kasing maapektuhan ng nasabing desisyon ng korte ang mismong timetable ng COMELEC lalo pa’t nasa yugto na sila ng maraming paghahanda para sa darating na halalan.
Giit ni Bautista, hangga’t hindi iniaalis ng Supreme Court ang nasabing TRO, hindi pa rin siya nakatitiyak kung masusunod nga ba talaga ang panahong itinakda para sa halalan.
Nakatakda nang magsumite ang COMELEC sa December 11 ng kanilang tugon laban sa kampanya ng ahensya na “No Bio, No Boto” na inihain ng Kabataan party-list.
Balak na rin ni Bautista na magbigay ng liham sa Supreme Court upang sabihin sa kanila na mahalagang maresolbahan agad ang nasabing kaso, at maialis na ang TRO para wala nang asahan pang abala sa eleksyon.
Tinataya kasing nasa tatlong milyong mamamayan ang hindi makakaboto kung mananatili ang “No Bio, No Boto” na polisiya ng COMELEC na siya namang kinontra ng Kabataan party-list.