MMDA target isara sa Mayo ang provincial bus terminals sa EDSA

Imbes na sa Hunyo, target na ngayon ng Metropolitical Manila Development Authority (MMDA) na sa Mayo na ipatupad ang pagsasara ng lahat ng terminal ng provincial buses sa EDSA.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, ang hakbang ay magpapaluwag ng daloy ng trapiko sa pamamagitan ng pagtatanggal ng choke points sa naturang pangunahing lansangan.

“Our target for that closure is mid-May or third week of May. They will all be totally closed,” pahayag ni Garcia.

Bagamat walang kakayahan ang MMDA na direktang utusan ang mga bus operators na isara ang kanilang mga terminal, sinabi ni Garcia na hihilingin nila sa mga lokal na pamahalaan na kanselahin ang permit ng mga terminal na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.

Ayon sa opisyal, sa 97 bus terminals sa Metro Manila, 47 ang nasa EDSA.

Ang naturang mga terminal anya ay nag-ookupa lamang ng mula 6 hanggang 8 bus na kaunti kumpara sa bilang ng mga bus na pag-aari ng mga bus companies.

Sinabi pa ni Garcia na tuloy ang dry run ng panukalang pagsasara ng mga provincial bus terminal sa EDSA sa April 22 sa kabila ng pagtutol ng mga provincial bus operators.

Pero nilinaw nito na optional ang pagsama sa dry run dahil pwede pa ring magbaba ng mga pasahero ang mga provincial bus sa kanilang mga terminal sa EDSA pero hindi na ito pwede kapag tuluyang nang isinara ang mga terminal.

Read more...