Sa kanyang talumpati sa kampanya ng PDP-Laban sa Tuguegarao City, Cagayan Martes ng gabi, sinabi ng Pangulo na maglalabas siya ng “intelligence report” mula sa ibang bansa na nagpapakita ng umanoy koneksyon ng mga human rights groups sa mga hakbang para siya ay patalsikin sa pwesto.
“Kayong mga human rights (groups). Kayong mga nagba-black propaganda pati ‘yung anak ko si Veronica 14 years old drug addict? May ipalabas ako, you just wait,” ani Duterte.
Dagdag ng Pangulo, hindi alam ng human rights advocates na may nakikinig habang gumagawa ang mga ito ng anyay kalokohan.
“Alam mo marami pa ring kaibigan sa ibang bayan. What you did not know is that you were being listened to habang ginagawa ninyo ‘yang kalokohan niyo. Ilabas ko yan in a few days pineperfect ko lang. It was an intelligence report, not from us, but from another country,” dagdag ng Pangulo.
Una rito ay lumabas ang mga videos na nagsasangkot sa mga anak ng Pangulo sa droga.
Sa video na may titulong “Ang Totoong Narcolist,” isang Bikoy na nagsabing dati siyang miyembro ng drug syndicate ang nagdawit kay presidential son Paolo Duterte sa droga.
Sa pangalawang video ay sinabi naman na ang partner ng Pangulo na si Honeylet Avanceña at ang anak nilang si Veronica o Kitty ay nakikinabang umano sa kickback mula sa kalakalan ng droga at nagdeposito sa mga bangko sa Hong Kong.
Itinuring ng Malakanyang na black propaganda ang naturang videos na layong sirain ang Pangulo at kanyang pamilya.