Nagpasaklolo na sa Supreme Court ang grupo ng mga mangingisda sa Palawan at Integrated Bar of the Philippines (IBP) kaugnay sa pagdagsa ng Chinese nationals sa karagatang sakop ng bansa.
Gusto ng grupong Kalayaan Palawan Farmers and Fisherfolk Association na obligahin ng Mataas na Hukuman ang administrasyong Duterte na mandindigan at tuluyang pagbawalan ang mga Chinese na pumasok sa karagatang sakop ng bansa.
Sinabi ng grupo na ang writ of kalikasan ang sagot para tuluyang mapangalagaan ang mga likas na yaman ng bansa sa Panatag Shoal, Ayungin Shoal, at Panganiban Reef.
Sa kanilang 35-pahinang petisyon ay ipinakita ng grupo ang lawak ng pinsala sa West Philippine Sea na umano’y kagagawan ng mga Chinese.
Kabilang sa mga respondents sa petisyon ay ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Philippine National Police, PNP Maritime Group, at Department of Justice.