Ayon kay Brig. Gen. Joselito Esquivel, direktor ng Quezon City Police District ang suspek ay kinilalang si Abuhair Kullim Indal, 32 anyos.
Nadakip si Indal sa kaniyang tinutuluyang bahay sa Salam Compound sa Culiat.
Samantala, sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde, ang suspek ay wanted sa pitong magkakaibang kasong kriminal sa Basilan.
Sinabi ni Albayalde na sangkot si Indal sa pagdukot sa mga empleyado ng Golden Harvest Plantation sa Lantawan, Basilan noong June 11, 2001.
Si Indal ay pinagtitiwalaang tauhan nina Abu Sayyaf leaders Furuji Indama at Nurhassan Jamiri.
Ayon kay Albayalde sinubukan pang tumakas at manlaban sa mga otoridad ni Indal nang siya ay arestuhin.
Kinuha aniya ng suspek ang granada sa kaniyang kwarto, pero nagawa siyang mahawakan ng mga pulis bago pa niya mai-detonate ang bomba.
Inaalam na ngayon ng mga otoridad kung bakit nasa Metro Manila si Indal at kung mayroon pa itong ibang kasabwat na nandito sa NCR.