Planong pag-veto ni Pang. Duterte sa national budget, dahil sa kasakiman ng ilang opisyal ayon kay Sen. Lacson

Sinabi ni Senator Panfilo Lacson ang kasakiman sa pondo ng ilang opisyal ang dapat sisihin kung hindi aaprubahan ni Pangulong Duterte ang higit P3.7 trillion national budget.

Ayon kay Lacson paulit-ulit niyang sinabi na hitik sa pang-aabuso ang pambansang pondo bunga ng mga nadiskubreng ‘insertions and re-alignments’ na ginawa ng ilang mambabatas ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Aniya naaprubahan na ang pondo sa bicameral conference committee ngunit kinalikot pa rin ito sa Kamara, na aniya ay paglabag sa Saligang Batas.

Dagdag pa ng senador may kapangyarihan naman ang pangulo ng bansa na i-veto ang kabuuan o ilang bahagi ng pambansang pondo.

Sinabi pa ni Lacson na ngayon pa lang ay handa na siyang makipaglaban para sa hihingiing pondo ng gobyerno para sa susunod na taon sa pagbubukas ng 18th Congress sa Hulyo.

Read more...