Kahihinatnan ng 2019 budget sa kamay ni Pangulong Duterte igagalang ng Kamara

Photo grab from PCOO’s Facebook live
Irerespeto ng Kamara kung ano man ang magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte may kaugnayan sa 2019 National Budget.

Ayon kay House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr., alam ng pangulo kung ano ang makabubuti sa bansa at sa mga mamamayan dito.

Sinabi ni Andaya na kapag nagdesisyon si Pangulong Duterte na i-veto ng buo ang panukalang 2019 budget nangangahulugan ito na tatakbo ang bansa sa reenacted budget.

Ito anya ay magbabalik sa P80 billion na inalis ng Senado sa panukalang pondo na para sana sa mga proyekto na nais ng pangulo.

Sa magiging pasya anya ng pangulo, naniniwala si Andaya na bibigyang timbang nito ang ginawang drastic budget cuts ng Senado.

Iginiit din nito na ilang ulit na silang nagbabala na ang pagtapyas ng bilyon-bilyong pisong halaga sa budget para pondohan ang pet projects ng mga senador ay makaka apekto ng malaki sa implementasyon ng infrastructure program ng administrasyon.

Samantala, nanindigan naman si House Majority Leader Fredenil Castro na nakasuporta ang liderato ng Kamara sa pangunguna ni Speaker GMA sa mga legislative agenda ng pangulo.

Sa kabila anya ng mga intriga at kontrobersya sa panukalang 2019 budget ay ginawa ng Kamara ang trabaho nito para palakasin ang transparency at accountability sa panukalqng pondo.

Read more...