Kasabay na ng inaasahang pagbiyahe ng mga motorista kaugnay sa pagpasok ng Semana Santa, ilang bahagi ng EDSA at C5 ang aayusin ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa abiso na inilabas ng MMDA, magsisimula alas-11 ng gabi mamaya (Apr. 12) hanggang alas 5:00 ng umaga ng Lunes Santo (Apr. 15) ang isasagawang road reblocking at repairs.
Nabatid na aayusin ang unang linya mula sa sidewalk ng EDSA Southbound mula New York Street hanggang bago sumapit ang Monte de Piedad sa Cubao, Quezon City.
Gayundin ang bahagi ng C5 Northbound sa tapat ng SM Aura sa Taguig City.
Sa EDSA Northbound naman ay ang bahagi sa pagitan ng White Plains at Gate 4, partikular na ang 2nd lane.
Sa EDSA Northbound pa rin, aayusin ang outer lane makalagpas ang Magallanes MRT Station.
Pinapayuhan ng MMDA ang mga motorista na iwasan muna ang mga nabanggit na lugar at maghanap ng mga alternatibong madadaanan.