Muling nagbigay ng talumpati si Pangulong Rodrigo Duterte na may bulletproof glass sa isinagawang campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) sa Bacolod City, Negros Occidental Huwebes ng gabi.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na ginawa ang klase ng proteksyon para kay Duterte.
Noong April 2, mayroon ding glass panelo sa campaign rally ng PNP-Laban sa Malabon City kung saan sinabi ng pangulo na mayroong nais pumatay sa kanya.
Ipinaliwanag naman ni Presidential Security Group (PSG) Commander Brig. Gen. Jose Eriel Niembra na ito ay ginawa dahil open area ang pinagdausan ng aktibidad.
Sinabi rin ng Palasyo ng Malakanyang na sineseryoso nila ang anumang klase ng banta sa pangulo dahil sa mahigpit nitong paglaban sa krimen, korupsyon at ilegal na droga.